Task Force Kontra Armed Violence at Bullying, Isinisulong sa Batangas

Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng isang ligtas, mapayapa, at inklusibong kapaligiran para sa bawat mag-aaral, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ngayong araw ika-6 ng Hulyo 2026 sa PAFES Building, Provincial Agriculture Compound, Lungsod ng Batangas, ng isang Round Table Discussion na nakatuon sa pagbuo ng Task Force Against Armed Violence and Bullying at sa pagpapatibay ng pagpapatupad ng mga polisiya at programang naglalayong sugpuin ang karahasan at bullying sa mga paaralan.

Pinangunahan ang talakayan nina Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, Provincial Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr., Provincial Legal Officer Atty. Louie Dalawampu, at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Department Head Etheldrida Luistro at iba pang mga stakeholders.

Nakiisa rin sa talakayan sina PLTCOL Dexter Domingo, Chief ng Police Operations and Management Unit, kasama ang iba pang mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP); PCPT Catherine Deligente ng Cybercrime Prevention and Investigation Unit (CPIU) ng Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), na nagbahagi ng presentasyon patungol sa “Emergence of a New Threat Landscape”, na tumalakay sa mga umuusbong na banta ng cybercrime at cyberbullying sa mga mag-aaral; mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd); at Batangas Provincial Prosecutor Atty. Lourdes G. Ramirez-Zapanta.

Sa isinagawang Round Table Discussion, tinalakay ang pagbuo ng isang komprehensibong mekanismo ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya upang maisakatuparan ang Task Force Against Armed Violence and Bullying, na magsisilbing pangunahing mekanismo sa pagpapatupad ng mga programa, polisiya, at agarang pagtugon sa mga insidenteng may kaugnayan sa school violence, bullying at iba pang banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Kabilang din sa mga pangunahing usapin ang pagtukoy sa iba’t ibang anyo at palatandaan ng bullying at school violence, gayundin ang mga estratehiya upang maiwasan ang armed violence sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng preventive policies, maagang interbensyon, at crisis intervention measures.

Binigyang-diin din sa talakayan ang kahalagahan ng sama-samang pagtugon sa lumalalang kaso ng cyberbullying sa pamamagitan ng pagpapalawak ng digital literacy, pagpapaigting ng information and awareness campaigns, at pagpapalakas ng mga reporting at referral mechanisms upang higit na maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa online na pang-aabuso at iba pang digital threats.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pangunguna ni Governor Vilma Santos-Recto, law enforcement agencies, educational institutions, at iba pang stakeholders, patuloy na isinusulong ang mga inisyatibong naglalayong makalikha ng mas ligtas, inklusibo, at mapagkalingang kapaligiran sa mga paaralan, kung saan ang bawat Batangueñong mag-aaral ay malayang makapag-aaral at mahuhubog nang walang takot sa anumang uri ng karahasan, bullying, at pang-aabuso.