


Isang makasaysayang hakbang sa serbisyong pangkalusugan ang naitala sa pagbubukas ng kauna-unahang dialysis clinic sa Laurel Memorial District Hospital sa Lungsod ng Tanauan. Sa unang pagkakataon, may mapupuntahan na ang mga pasyenteng Batangueño na libreng dialysis treatment.
Sa loob lamang ng wala pang isang taon, naitayo ang pasilidad na may 15 dialysis machines, mula sa nakaprogramang 100 makina para sa buong lalawigan. Inaasahang makatutulong ito ng malaki lalo na sa mga indigent patients na nangangailangan ng nasabing serbisyong medikal.
Pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto ang pagbubukas ng pasilidad, kasama ang mga opisyal ng ospital at lokal na pamahalaan. Patunay ito ng patuloy na pagtupad sa mga pangako ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na maghatid ng dekalidad, abot-kaya, at makataong serbisyong pangkalusugan para sa mga Batangueño.
Batangas PIO Capitol

