
Matagumpay na nadala at nailapit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang iba’t ibang serbisyo sa pamamagitan ng kauna-unahang pag-arangkada ng Capitol on Wheels sa Barangay Laiya Ibabao, San Juan noong ika-11 ng Pebrero 2026.
Kabilang sa mga serbisyo na higit na napakinabangan ng mga residente ng naturang bayan ay mga programang sumasaklaw o may kaugnayan sa governance thrust ni Governor Vilma Santos-Recto na H.E.A.R.T.S. Program.
Sa hanay ng mga serbisyong inihatid ng pamahalaang panlalawigan, nagkaroon ang Provincial Health Office (PHO) ng ilang major healthcare services, tulad ng General/Internal Medicine, Pediatric Care, OB-Gyne, Dental Services, Minor Surgery, Electrocardiogram o ECG, Laboratory, Pre-Laboratory sa San Juan District Hospital, Ultrasound, at X-Ray. Sa kabuuan, umabot sa may 640 na San Juanueños ang nakinabang sa naturang mga serbisyo.
Bukod dito, aktibo ring nakiisa ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na nagkaloob ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at naghatid ng free hot meals sa pamamagitan ng Mobile Kitchen, bilang tugon sa agarang pangangailangan ng mga Batangueño.
Sa pangangasiwa naman ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), may kabuuang 40 na mga mangingisda mula sa iba’t ibang coastal barangays ng San Juan ang tumanggap ng full set ng Gill Net, bilang pagtiyak at pagpapalakas ng mga programang pangkabuhayan ng mga local fisherfolks ng lalawigan.
Naisakatuparan din ang Capitol on Wheels sa pakikipagtulungan ng ilang mga National Government Agencies o NGAs, mula sa suporta ng Batangas Association of National Government Agenesis (BANGA), na nasa ilalim ng paggabay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Batangas.
Samantala, taos-puso naman ang ipinaabot na pasasalamat ni San Juan Municipal Mayor Ildebrando Salud sa pamahalaang panlalawigan para sa pagdadala ng mga serbisyo, programa, at proyekto sa mga mamamayan ng Barangay Laiya Ibabao, gayundin ng mga karatig barangay sa nabanggit na bayan.
Ang Capitol on Wheels ay nagsimula sa isang pangako at ngayon ay binigyan na ng katuparan ng pamahalaang panlalawigan bilang pagtugon sa paglalapit, pagpapabilis, at pagtiyak na ang mga serbisyo ng Kapitolyo ay tunay at agarang nararamdaman.
Ito rin ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ni Gov. Santos-Recto na maglilingkod ng may puso at malasakit sa sambayanang Batangueño, lahat para sa adhikain ng isang maunlad, panatag, at matatag na Batangas.
Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

