Classroom backlogs sa Batangas, Tinutukunan ng Santos-Recto Administration
Isinagawa ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangangasiwa ng Provincial Engineer’s Office at Provincial School Board, ang unveiling ceremony para sa kasalukuyang itinatayong 2-Storey, 8-Classroom School Building sa Sinturisan Elementary School sa Bayan ng San Nicolas noong ika-23 ng Enero 2026.
Ang nasabing seremonya ay pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto, kasama ang mga pangunahing opisyal ng San Nicolas, na pinamumunuan ni Mayor Lester De Sagun, at mga guro at mag-aaral ng naturang paaralan.
Binigyang-diin ni Governor Santos-Recto ang pagbibigay ng prayoridad o pagtutok ng kanyang administrasyon sa pagpapaunlad ng programang pang-edukasyon ng Batangas, tulad na lamang ng construction of modern educational facilities at pagbibigay ng educational tools sa mga guro upang mapabuti ang sistema at paraan ng pagtuturo sa mga estudyanteng Batangueño.
“Hindi ito pangako, ito ay isang prayoridad, sapagkat naniwala ako na ang pundasyon ng maunlad na lalawigan, ay isang matatag na kaalaman ng ating kabataan,” saad ng gobernadora.
Dagdag pa niya, “…sa panunugkulan, hindi sapat ang puro ayuda, bibigyang atensyon [din] natin ang edukasyon. Ang ayuda ay nauubos, ang kaalaman na bunga ng mga paaralang ito ay mananatili sa ating mga kabataan ng pangmatagalan.”
Ibinahagi din ni Gov. Santos-Recto ang iba pang mga proyektong nakalatag ngayong 2026, kung saan kabilang dito ang pagtugon ng pamahalaang panlalawigan sa classroom backlogs sa Batangas at ang patuloy na pagsasaayos ng mga paaralan sa lalawigan.
Kaugnay dito ang inuumpisahan nang ipagawa na 17 school buildings na may 108 classrooms at ang planong makapagpatayo muli ng karagdagan pang 10 school buildings na may 60 classrooms sa taong ito.
Bukod dito, kasalukuyan na rin na isinasaayos ng probinsya ang 202 school buildings na naglalaman ng 841 classrooms.
Sa paglalahad pa ng punong lalawigan, ipinabatid din niya ang planong pagpapatayo ng early childhood care and development centers o mas kilala sa tawag na day care centers, dahil aniya, mahalaga sa kaniya na mapagtuunan din ng pansin na maihanda ang mga batang may edad na 5 na taon at pababa sa pagtungtong nila sa formal schooling.
Dahil dito, buong pagmamalaking ipinahayag ni Gov. Santos-Recto na ang kaniyang programa sa sektor ng edukasyon ay nagsisimula sa pre-school hanggang sa kolehiyo.
Samantala, taos-puso namang ipinaabot ni Mayor De Sagun, kasama ang mga guro, magulang, at mga estudyante ang kanilang mainit na pasasalamat para sa nabanggit na proyekto, na anila ay malaking hakbang tungo sa pagpapatibay ng pundasyon ng kaalaman ng mga kabataan sa San Nicolas.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, ang Sinturisan Elementary School ay may malaking ambag sa Bayan ng San Nicolas sapagkay ilan anila sa mga lingkod bayan sa San Nicolas at nasyunal na pamahalaan ay mga nagsipagtapos sa nasabing paaralan.
Kabilang sa mga sumaksi sa makabuluhang seremonya ang ilan sa mga department heads ng Kapitolyo, ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga kinatawan ng Department of Education – Schools Division of Batangas, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at baranggay, at ang mga kasapi ng Parents and Teachers association ng Sinturisan Elementary School.
Edwin V. Zabarte
Photo: Batangas Provincial Information Office



