Isang makulay at masayang araw ang naganap sa Kapitolyo ng Batangas noong ika-15 ng Agosto 2025 dahil sa pagbubukas ng Governor Vilma Santos-Recto (VSR) Community Food Market, na isang proyektong naglalayong bigyang-pagkakataon ang mga lokal na magsasaka, mangingisda, maliliit na negosyante, at home-based entrepreneurs na maipakita at maibenta ang kanilang mga de-kalidad na produkto.
Sa pamilihang ito, naging tampok ang iba’t ibang sariwang ani tulad ng gulay at prutas, bagong huling isda at lamang-dagat, masasarap na pagkaing lutong-bahay, kakanin, at mga inuming gawa sa natural na sangkap. Hindi rin nagpahuli ang mga produktong gawa ng mga lokal na artisan gaya ng tinapay, kape, honey, at iba pang specialty goods na tatak Batangueño.
Bukod sa pagbibigay ng direktang pamilihan para sa mga lokal na produkto, layunin din ng Community Food Market na itaguyod ang farm-to-table approach, kung saan masisiguro ang sariwa, masustansya, at abot-kayang pagkain para sa lahat. Ito rin ay paraan upang mabawasan ang middle-men at mas mapalaki ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Ang VSR Community Food Market ay nagsisilbi, hindi lamang simpleng pamilihan, kung hindi isa ring hakbang patungo sa mas inklusibong pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan. Dagdag pa rito ang pagbibigay ng direktang access sa mga mamamayan para sa masustansya at abot-kayang pagkain, habang sinusuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at maliliit na negosyante ng Batangas.
Dagdag pa rito, itinatampok din ng pamilihan ang galing, sipag, at malikhaing isip ng mga Batangueño pagdating sa agrikultura at food entrepreneurship.
Ang Community Food Market ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the Provincial Agriculturist, katuwang ang halos 42 na samahan na binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, kooperatiba, at mga negosyante.
Sheryl Mae M. Halili / Photos: Karl Ambida, Batangas Capitol PIO



