Women’s Month sa Lalawigan ng Batangas, Matagumpay na Ipinagdiwang

Matagumpay na ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Provincial Women’s Month ngayong ika-19 ng Marso 2026 sa DREAM Zone Capitol Compound, Lungsod ng Batangas, kung saan binigyang-diin ang mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng lalawigan.

Binigyang-diin ni Governor Vilma Santos-Recto na ang kababaihan ay higit pa sa tradisyunal na papel bilang ina o tagapag-alaga. Aniya, ang mga babae ay mga lider, tagapagtaguyod ng pagbabago, at katuwang sa pagsusulong ng mas inklusibong lipunan.

Nagbahagi naman si Ms. Aileen Constantino-Peñas, Executive Director ng Atikha Overseas Workers and Communities Initiative Inc., ng kaalaman tungkol sa wastong paggamit ng social media at papel ng kababaihan sa digital age, samantalang dumalo rin si Batangas 2nd District Representative, Atty. Gerville Reyes-Luistro, bilang isa sa mga tagapagsalita sa programa.

Tampok din ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal mula sa iba’t ibang organisasyon ng kababaihan sa lalawigan, kabilang ang Provincial Women Coordinating Council Batangas Inc. (PWCCBI), Batangas Province Alay Lakad Foundation, Inc. (BPALFI), at Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines Inc. (ALSWDOPI). Ipinakita rito na ang mga Batangueña leaders ay mga buhay na simbolo ng dedikasyon sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng kababaihan.

Bilang panghuli, nagningning ang mga kalahok sa “Indak ng Kababaihan, Sayaw ng Kasaysayan” dance competition, na nagpakita ng talento, kasaysayan, kultura, at lakas ng kababaihan sa lalawigan.

Nakuha ang unang pwesto ang San Jose, na nagwagi ng ₱50,000, habang Bauan, na nagkamit ng ₱35,000, at Taysan, ang pumangalawa at pumangatlo, ayon sa pagkakasunod. Ginawaran din sila ng certificates of recognition bilang pagkilala sa kanilang husay.

Dumalo at nakiisa rin sa nasabing programa sina 2nd District Board Member Maria Reina Abu-Reyes, 5th District Board Member Dr. Jun Berberabe, Municipality of Agoncillo Mayor Atty. Cinderella Valenton-Reyes at ilang mga department heads ng Kapitolyo.