Laurel Fisherfolks, Pinaabutan ng Tulong ng Kapitolyo

Gov. Vi: Tutulungan ang lahat ng mangingisdang Batangueño sa palibot ng Taal Lake

Nagkakaisang ipinakita ng mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kasama ang iba pang mga stakeholders sa Lawa ng Taal, ang sama–samang pagdaraos ng simbolikong “boodle fight” nitong ika- 22 ng Hulyo 2025 sa Bayan ng Laurel upang basagin ang persepsyon ng publiko na hindi ligtas ang pagkain ng mga isda mula sa lawa.

Nagtungo rin ang mga Capitol officials, sa pangunguna ni Governor Vilma Santos Recto, sa Munisipyo ng Laurel kung saan pormal na ipinamahagi sa 363 na mga mangingisda mula Laurel ang financial augmentation, na unang bahagi sa magiging serye ng paghahatid ng tulong ng pamahalaang panlalawigan sa lahat ng apektadong mga bayan na nakapalibot sa Lawa ng Taal.

Isinagawa ng Batangas governor, mga mayors ng mga bayan at lungsod sa Ikatlong Distrito ng Batangas, Sanguniang Panlalawigan (SP) Board Members (BM), Department of the Interior and Local Government officials, at mga department heads ng Kapitolyo ang salu-salong pagkain ng mga isdang huli sa lawa bilang pagpapatunay na safe kainin ang mga ito.

Ang pag-alinlangan ng publiko na komunsumo ng isda na mula sa Taal lake ay nag-ugat sa mga balita ng mga nawawalang sabungero, na di umano ay itinapon sa lawa, at naging dahilan ng masamang pananaw at hindi pagbili ng mga nasabing isda sa merkado.

Tinungo ng mga kinatawan ng Kapitolyo, na siyang tututok sa pagbibigay tulong sa apektadong fisherfolks, ang Calinisan Beach Resort, Laurel upang makiisa sa isang stakeholders forum sa palibot ng Taal Lake, kasama ang mga opisyal ng BFAR at mga lokal na pamahalaan dito.

Sa kanyang mensahe, sinabi nito na ramdam niya ang hirap at epekto ng nasabing isyu sa paligid ng Lawa at agarang pinasimulan ang pagpapaabot ng suporta sa mga apektadong mangingisda. Hindi aniya titigil ang kanyang pamunuan hanggang at hindi nakakabawi ang mga ito sa kanilang kabuhayan, at naibabalik ang sigla ng industriya ng pangisdaan sa Taal Lake.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng BFAR, sa pangunguna ni Region IV-A Director Sammy Malvas, sa pagiging kabalikat ng mga pamahalaang lokal ng Batangas sa agarang pagbibigay tulong sa mga apektadong fisher folks. Ayon kay Malvas, tinatayang nasa 11,000 na mga mangingisda ang direktang naapektuhan ng pagbaba ng demand ng Taal Lake aquatic resources, lalo na sa National Capital Region, kung saan ang bulto ng mga huli mula dito ay dinadala.

Mula naman sa hanay ng mga pamahalaang lokal, hiniling nila ang mga long-term solutions sa mga problemang kinahaharap ng lawa sa kasalukuyan at hinaharap. Kabilang sa mga nabanggit na inaasahan nilang suporta ay sa pagpapatayo ng food processing plant, cold storage facilities at iba pang modernong teknolohiya upang mapataas ang kalidad ng mga isda sa lawa.

Nakiisa sa mga pagtitipon ang mga puno ng tanggapan ng Kapitolyo, sa pangunguna ni Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto; at mga SP Board Members, kabilang sina 5th District Senior BM Dr. Jun Berberabe, 3rd District BM Rudy Balba at Fred Corona, 4th District BM Marcus Mendoza, 6th District BM Bibong Mendoza, 1st District BM Dr. Ana Rosales, at PCL Batangas Federation President BM Venice Manalo. Dumalo rin dito si Ginoong Luis Manzano, na patuloy ang aktibong pakikibahagi sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan.

Buong pagkakaisa ring nagpakita ng suporta sa aktibidad ang mga punong ehekutibo ng 3rd District, kasama sina Sto. Tomas City Mayor Arth Jhun Marasigan, Tanauan City Mayor Sonny Collantes, Agoncillo Mayor Cindy Reyes, Alitagtag Mayor Jo-ann Ponggos, Balete Mayor Wilson Maralit, Cuenca Mayor Alex Magpantay, Laurel Mayor Lyndon Bruce, Malvar Mayor Art Abu, MKahoy Mayor Lucia Gardiola-Silva, San Nicolas Mayor Lester de Sagun, Sta. Teresita Mayor Boy Segunial, at Talisay Mayor Nestor Natanauan.

Edwin V. Zabarte/ Photos by Francis Milla/ Karl Ambida- Batangas Capitol PIO