
Kaagad sinimulan ng administrasyon ni Governor Vilma Santos-Recto ang pagpapaganap sa mga programang tututok sa pagpapalakas at pagpapalawig ng education and health services na inihahatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa mga Batangueño.
Ito ang naging pagtitiyak ng punong lalawigan sa kaniyang naging pag-uulat ng weekly accomplishments sa ginanap na Lingguhang Pagpupugay sa Bandila ng Pilipinas ng Kapitolyo noong ika-14 ng Hulyo 2025, sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Isang linggo matapos ang naging simbolikong paglagda sa unang apat na Executive Orders, agarang binigyang-aksyon ni Gov. Santos-Recto, sa tulong ni Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, ang pagpapatawag ng department heads meeting upang makapagbalangkas ng isang action plan.
Pantay na halaga ng scholarship assistance para sa lahat ng iskolars
Personal na ibinalita ni Gov. Santos-Recto ang ilan sa mga gagawing pagbabago at inobasyon sa scholarship program and services na inihahatid ng Kapitolyo sa mga mag-aaral na Batangueño. Una rito ang pagiging pantay o magkahalintulad na halaga ng scholarship assistance na matatanggap ng mga iskolar ng lalawigan. Ayon sa gobernadora, mula sa dating ₱5,000 para sa mga nasa pribadong paaralan at ₱3,000 sa mga nasa pampublikong paaralan, gagawin na aniya itong ₱5,000 mapa pribado man o pampubliko.
“Kaya nasa public school ang ating mga kabataan kasi nga kailangan nila ng pinansyal na tulong. Kahit free na ang tuition nila kailangan kumuha pa rin sila ng additional financial assistance. From private to public schools, all of them, ang mga scholars will get the same amount of ₱5,000 cash assistance,” pagpupunto ng gobernadora.
Bukod dito, binigyang-diin din ni Gov. Santos-Recto na ang aplikasyon, screening, at ebalwasyon ng mga aplikanteng iskolar ay gagawin na sa kani-kanilang mga bayan at lungsod o sa kung saang lugar sila nag-aaral at hindi na kinakailangang magtungo pa sa Kapitolyo. Ang distribusyon o pamamahagi ng cash assistance ay gagawin na rin sa kani-kanilang mga lugar.
Sa kaniyang mensahe, sinabi niya na “…sa darating na mga araw, makikipagtulungan kami sa mga eskwelahan sa 34 na mga bayan [at lungsod] ng ating lalawigan para maiparating ang impormayon sa ating mag-aaral kung kailan, anong oras, saan gaganapin ang screening o evaluation ng applicants, at kung anong requirements din ang kakailanganin dito.”
Para naman sa mga maintainers, maglalabas aniya ang nangangasiwa sa scholarship program ng guidelines para sa mas malinaw na pagpapatupad ng programa.
Siniguro rin ng gobernadora na may team na magtutungo sa bawat bayan at lungsod na tutulong kung ano ang dapat gawin. “Mayroon po kaming team na pupunta dyan sa inyo at sila po ang tutulong sa inyo kung ano ang mga dapat gawin, at babalikan din namin kayo kung paano n’yo naman makukuha ang inyong cash distribution. Ang team namin ang pupunta sa inyo…ngayon na kailangang mag-apply at hanggang sa pagbibigay ng cash…ang team namin ang pupunta sa bayan ninyo,” saad ng gobernadora.
Binigyang-linaw rin niya na ang naging pagdagsa ng mga estudyante noong nakaraang linggo ay dahil sa maling impormasyon, kung saan nagpunta ang mga estudyante sa Kapitolyo sa pag-aakalang huling araw na ng aplikasyon.
Dito ay muling ipinarating ni Gov. Santos-Recto na ang mga nabanggit na pagbabago sa pamamahagi ng tulong-pang-edukasyon ng probinsya ay pagtitiyak ng kaniyang pamunuan na magkakaroon ng komportable at maayos na pagkuha ng educational assistance ang mga mag-aaral sa lalawigan na hindi na kinakailangan pang pumunta sa Kapitolyo.
Tuloy-tuloy at mas matatag na healthcare services
Sa larangan ng serbisyong pangkalusugan, ipinunto ni Gov. Santos-Recto na bahagi na ng kaniyang ginagawang agarang implementasyon sa nilagdaang executive order ang pagsusulong sa nabuong comprehensive healthcare program. Magiging pangunahing layunin dito ang pagsasaayos at pagpapatayo ng mga bagong pasilidad-pagamutan o district hospitals, na mas magpapatatag ng ibinibigay na health services ng probinsya.
Ayon sa kaniya, “…katunayan po, mayroon na pong mga willing mag-donate ng mga lote nila, kung saan maaaring magtayo ng isang district hospital sa kanilang lugar.”
Batay rin aniya sa isinagawang pag-aaral at konsultasyon, mayroong nang mga district hospital na delapitated na o kahit sumailalim sa rehabilitasyon o pagsasaayos ay mas malaki pa ang magagatos, kung kaya’t kasama aniya sa health comprehensive plan ng probinsya kung paano mag-abolish at makapagpatayo ng iba na mas mapapakinabangan.
Inilahad pa ng Ina ng Batangas na may sapat na pondo ang pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office, para sa tuloy-tuloy na pagkakaloob ng iba’t ibang tulong pinansyal sa mga pasyente, tulad na lamang ng medical assistance, hospitalization assistance, at iba pang health-related expenses, tulad ng special procedures.
Dagdag pa rito, ibinahagi pa ng punong lalawigan na may existing agreement ang pamahalaang panlalawigan sa Kagawaran ng Kalusugan para sa pagbibigay ng medical assistance, katuwang ang mga pribadong ospital.
Para sa pagbuo ng isang maunlad at matatag na Batangas
Samantala, nagtapos ang mensahe ni Governor Vilma Santos-Recto sa pagkilala niya sa bawat isang kawani ng pamahalaang panlalawigan. Dito ay kaniyang ipinabatid at tiniyak ang mga benepisyo na dapat at kinakailangang maibigay sa mga itinuturing niyang katuwang sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Ilan sa kaniyang mga ibinahagi ang pagkakaloob ng medical allowance, second tranche ng salary increase, at Collective Negotiation Agreement (CNA) sa mga kwalipikadong empleyado ng Kapitolyo.
Sa huli, humingi si Gov. Santos-Recto ng patuloy na pagsuporta sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, gayun din sa mga bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan, na aniya ay para sa mga Batangueño na nangangailangan ng suporta at sa katuparan na rin ng kaniyang mga adhikain sa pagbuo ng isang maunlad at matatag na Lalawigan ng Batangas.
✎: 𝙈𝙖𝙧𝙠 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙈. 𝙈𝙖𝙘𝙖𝙧𝙖𝙞𝙜 / 𝑷𝒉𝒐𝒕𝒐𝒔: Francis Milla – 𝘽𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜𝙖𝙨 𝘾𝙖𝙥𝙞𝙩𝙤𝙡 𝙋𝙄𝙊