10 Pugante nahuli sa Loob ng 24 Oras; Mas mahigpit na Seguridad sa Provincial Jail Isusulong

Matapos ang naganap na pagtakas ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Provincial Jail sa Ibaan, Batangas kahapon, nahuli nang muli at naibalik na sa bilangguan ang 10 pugante ngayong araw, ika-29 ng Hulyo 2025, ayon sa opisyal ng ulat mula sa Batangas Province Police Office ng Philippine National Police.

Nagpasalamat naman si Gov. Vilma Santos-Recto sa mabilis na aksyon ng kapulisan sa insidente, matapos mahuling muli ang mga tumakas na PDLs sa loob lamang ng 24 oras mula nang mangyari ito.
Ayon pa sa Batangas governor, mas hihigpitan pa ang security and safety protocols ng provincial jail, bunsod ng pangyayari.

Patuloy din aniya ang imbestigasyon ng Kapitolyo upang tukuyin ang mga naging kakulangan sa sistema sa piitan, at malaman ang mga maaaring may pananagutan sa nangyari.

Hunyo 24, 2025 nang ilipat sa Ibaan Provincial Jail ang 762 na mga lalaking PDLs mula sa orihinal na piitan sa Lungsod ng Batangas, kung saan tanging mga babaeng inmates na lamang ang naglalagi. Batangas Capitol PIO