Batangas PNP Personnel, Civilian Partners, Binigyang-Pagkilala ng Kapitolyo ng Batangas

Paghuli sa Nakatakas na PDLs sa Batangas Provincial Jail, Naibalik sa Tulong ng Makabagong Teknolohiya

Taos-pusong pinasalamatan at binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor Vilma Santos-Recto, ang mga kasaping miyembro ng kapulisan ng Lalawigan ng Batangas at iba pang mga pribadong indibidwal na naging daan para sa mabilis at organisadong pagkakahuli ng 10 Persons Deprived of Liberty o PDLs na nakatakas mula sa Batangas Provincial Rehabilitation Center ng Provincial Jail sa Ibaan, Batangas noong ika-28 ng Hulyo 2025.

Kasama sina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, Provincial Chief of Staff Pedrito Martin M. Dijan, Jr., at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas, iginawad ang mga parangal sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City noong ika-4 ng Agosto 2025, kung saan kasabay nito ang ginanap na pagpupugay sa bandila ng Pilipinas ng pamahalaang panlalawigan.

Unang pinarangalan ay ang bus drayber na si Angelito Alcantara, Jr. at konduktor ng bus na si Jhon Rhay Samarita, na kapwa empleyado ng ALPS The Bus, Inc. Sumunod naman dito si Marvin Mendoza na kumatawan sa kawanihan ng Southern Tagalog Arterial Road o STAR Tollway. Kinilala ang mga nabanggit para sa kanilang ginawang pagtulong at koordinasyon upang maharang ng pwersa ng kapulisan ng Sto. Tomas City Police Station ang bus sa northbound lane ng STAR Tollway sa hangganan ng Tanauan City at Sto. Tomas City, na nagresulta sa mapayapang pagsuko ng mga pugante sa mga awtoridad.

Kaugnay nito, binigyang-rekognisyon din ang mga team leaders at chief of police na kumakatawan sa iba’t ibang mga police station sa lalawigan na naging bahagi sa matagumpay na pagsasagawa ng hot pursuit operation upang maaresto ang mga tumakas na PDLs at maibalik sa kustodiya ng kapulisan. Kabilang dito ang multiple police units o pinagsanib-pwersa ng mga uniformed personnel mula sa Bauan Municipal Police Station, Ibaan Municipal Police Station, Sto. Tomas Component City Police Station, Regional Intelligence Division IV-A, at Provincial Intelligence Unit – Batangas.

Bukod sa mga team leader ng naturang mga istasyon, isa rin sa pinarangalan ng pamahalaang panlalawigan ay si Batangas Police Provincial Office (BPPO) Acting Provincial Director, PCol. Geovanny Emerick Sibalo, na nanguna sa presentasyon ng kanilang tanggapan para sa ipinamalas na mabilis na pagtugon at paggamit ng drone technology at radio communication para agarang mahuli ang mga pugante.

Maiituring na naging malaki ang papel ng paggamit ng makabagong teknolohiya para mapalakas ang kapasidad ng kapulisan pagdating sa pagtiyak ng seguridad at kapayapaan ng lalawigan. Ipinakita sa mga isinagawang magkakahiwalay na operasyon ang signipikong importansya ng paggamit ng drone technology sa larangan ng law enforcement, mabilisang pagresponde, at episyenteng pagtukoy sa kinaroroonan ng mga suspek.

Maliban dito, ang paggamit din ng drone technology ay nakatulong sa hanay ng kapulisan para makapaghatid ng real-time aerial surveillance, na nagpabilis sa kanilang search and apprehension efforts.

Pinapurihan naman ni Governor Santos-Recto ang mabilis na pagkilos at dedikasyon sa trabaho ng mga kapulisan at civilian partners. Ayon sa kaniya, “agad po tayong nagpa-imbestiga at sa loob lamang ng 24 oras, nahuli at naibalik sa kustodiya ang mga PDLs, sa tulong ng ating PNP at teknolohiya.”

“Ipinapakita lamang po nito na wala po tayong dapat ipangamba sa kapayapaan ng ating lalawigan, at mas napapabilis po ang ating pag-aksyon sa mga ganitong hindi inaasahang sitwasyon, alinusnod na rin po sa ating Executive Order 4 o Matatag na Pagbabantay,” dagdag pa ng gobernadora sa kaniyang pagtitiyak sa agarang panunumbalik ng peace and order sa lalawigan.

Bilang insentibo at pagbibigay ng karagdagang suporta sa hanay ng BPPO, naghandog din ang pamahalaang panlalawigan ng halagang ₱100,000.00, na personal na iginawad kay PCol. Sibalo.

Sa huli, sumentro ang mensahe ni Gov. Santos-Recto, na bagaman marami aniyang pagsubok ang hinarap ng lalawigan sa nakalipas na dalawang linggo, nabigyan naman aniya agad ito ng solusyon dahil sa ipinamalas na pagtutulungan ng mga Batangueño at pagbibigay ng isang tapat na serbisyo mula sa mga kawani ng gobyerno.

𝙈𝙖𝙧𝙠 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙈. 𝙈𝙖𝙘𝙖𝙧𝙖𝙞𝙜/𝙋𝙝𝙤𝙩𝙤𝙨: 𝙁𝙧𝙖𝙣𝙘𝙞𝙨 𝙈𝙞𝙡𝙡𝙖, 𝘽𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜𝙖𝙨 𝘾𝙖𝙥𝙞𝙩𝙤𝙡 𝙋𝙄𝙊