
Agarang tinugunan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pangamba ng publiko sa posibilidad ng pagkakaroon ng oil spill incident matapos ang napaulat na paglubog ng isang fishing vessel sa katubigan ng Lian, Batangas.
Sa isang panayam na isinagawa sa People’s Mansion, Capitol Compound, Batangas City kahapon, ika-24 ng Hulyo 2025, tiniyak ni Philippine Coast Guard (PCG) District Southern Tagalog Commander, Commodore Geronimo Tuvilla, kasama si Governor Vilma Santos-Recto, na walang dapat ikabahala sa pagkakaroon ng oil spill sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay Commodore Tuvilla, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng ulat noong ika-23 ng Hulyo, sa pagitan ng ika-9 hanggang 10 ng umaga, na ang fishing vessel “Unity World” ay lumubog bandang alas-dos ng madaling araw noong araw ding yaon, na tinatayang 2.25 nautical miles papalayo sa katubigan ng Lian.
“… we received a report between 9 or 10 in the morning…a certain fishing vessel sunk…vicinity is 2.25 nautical miles away from the waters of Lian…while transiting sa tubig natin…[and] upon investigating…we found out that it came from Manila…on its way to the waters of Palawan for a fishing venture, and unfortunately it sank,” saad ni Tuvilla.
Batay sa ulat ng PCG, ang barko, na mula Navotas City at patungong Palawan, ay may lulan o sakay na 11 na mga mangingisda at may kargang 40,000 litro ng langis at lumubog dahil sa epekto ng masamang panahon dulot pinalakas na Habagat.
Kaugnay nito, siniguro ni Tuvilla sa publiko na agaran silang umaksyon patungkol dito at nagpadala ng marine environmental protection unit para malaman o madetermina kung anong uri ng langis ang karga ng nasabing barko.
Binigyang-diin niya na wala pang nagaganap na oil spill, at ang langis o fuel sa sasakyang pandagat ay hindi dapat ikabahala.
“We assure the province and the good governor that the coast guard is on top of the situation. We would like to inform …the fuel on board is marine diesel oil, so meaning po hindi po s’ya heavy fuel,” paglilinaw ni Tuvilla.
Bukod dito, ipinunto rin niya na ang marine diesel oil ay isang non-persistent oil o isang klase ng produktong petrolyo na mabilis mag-evaporate o sumingaw sa dagat. Idinagdag pa ng PCG official na ang kasalukuyang lagay ng panahon ay pabor at makakatulong upang mas mabulabog aniya ang langis o mabilis na mag-dissipate.
Sa sitwasyon naman ng 11 na tripulante ng barko, ipinahayag ni Commodore Tuvilla na ligtas na nakarating ang mga ito sa baybayin at nagpapasalamat sa lokal na barangay ng Luyahan at Lian Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para sa agarang pag-responde at pangangalaga sa mga ito.
Muli namang isinaad ni Governor Santos-Recto na walang dapat ikabahala ang lalawigan, mga mangingisda, at iba pang mga nangangasiwa sa katubigan. Inabisuhan din ni Tuvilla ang publiko na kaagad silang magsasagawa ng operasyon para maisalba ang lumubog na fishing vessel sa oras na bumuti ang lagay ng panahon.
Sa ngayon, patuloy pa ang monitoring ng PCG sa shoreline ng Lian at ginagawang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Lian at iba pang mga ahensya upang maipaganap ang ilang mga kaukulang mitigation measures. 𝙈𝙖𝙧𝙠 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙈𝙖𝙘𝙖𝙧𝙖𝙞𝙜 – 𝘽𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜𝙖𝙨 𝘾𝙖𝙥𝙞𝙩𝙤𝙡 𝙋𝙄𝙊/ 𝙋𝙝𝙤𝙩𝙤𝙨: – 𝙁𝙧𝙖𝙣𝙘𝙞𝙨 𝙈𝙞𝙡𝙡𝙖