Digitalization, Isusulong sa Lalawigan ng Batangas

“And’yan na po ang makabagong teknolohiya, gamitin na po natin ito at pakinabangan na po natin for a more efficient and effective delivery of services sa atin pong mga kababayan.”

Bahagi ito ng mensahe ni Governor Vilma Santos-Recto sa lingguhang pagbibigay-pugay sa bandila ng Pilipinas ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong ika-14 ng Hulyo 2025.

Ito ay sang-ayon sa binigyang-diin ni President Ferdinand Marcos Jr. sa pagbubukas ng 2025 Newly Elected Officials Performing Leadership for Uplifting Service (NEO PLUS) Program, sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na dinaluhan ng gobernadora noong ika-9 ng Hulyo 2025 sa Lungsod ng Pasay.

Ayon sa Pangulo, malaking bahagi ang gagampanan ng digitalization sa pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa pagitan ng nasyunal at mga lokal na pamahalaan upang makapagbigay ng dekalidad na serbisyo sa mga tao.

Kaugnay nito, ibinahagi ng gobernador na isang software company ang bumisita noong nakaraang Biyernes upang magkaroon ng presentasyon patungkol sa digitalization at software application. Ilan sa mga maaaring matugunan nito ay ang financial assistance system, scholarship application and disbursement system, hospital management system, real property tax assessment and collection system, at medical assistance for indigent patients program system.

Tiniyak ng gobernador na masusing pag-aaralan ng Kapitolyo ang mga kapakinabangang maidudulot ng makabagong teknolohiya sa epektibong pagpapaganap ng mga proyekto at mabilis na pagbibigay-serbisyo sa mga Batangueño.

– Gian Marco