


Tinipon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council upang siguraduhin ang kahandaan ng bawat ahensyang kasapi nito sa mga epektong dala ni Tropical Storm Crising na inaasahang magdudulot ng malakas na pag-ulan sa kalawakang Luzon, kabilang na ang CALABARZON Region.
Pinamunuan ni Batangas Governor Vilma Santos –Recto ang Preparedness and Response Meeting sa PIO / Admin Building, Kapitolyo, Lungsod ng Batangas ngayong araw, ika-18 ng Hulyo 2025, kung saan agaran nitong siniguro na bawat kasapi ng konseho ay kaisa sa kooperasyon at suporta para sa epektibong paghahanda sa anumang kalamidad.
Kabilang sa emergency meeting na ito ang mga local chief executives ng ilang mga bayan sa lalawigan, kabilang ang San Nicolas, Alitagtag, Cuenca, Laurel, Balete, Agoncillio at City of Sto. Tomas, ganun din ang mga MDRRMO, kasama ang pamunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng PDRRMO.
Sa mensahe ni Governor Santos- Recto, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kahandaan ng lahat ng mga kinauukulan, na sisiguro ng matatag at ligtas na Batangas, sa pamamagitan ng pro-active approach ng mga council members at mga local DRRM units sa buong lalawigan.
Ipinaabot ng gobernadora, na bukas ang kanyang administrasyon sa lahat ng panukala at suhestyon ng mga emergency and disaster stakeholders na magiging batayan para sa mas malakas at ligtas na Batangas.
Siniguro din nito ang kahandaan ng mga ahensya ng Kapitolyo para tumugon sa mga pangangailangan ng mga Batangueño kaugnay sa mga food and non-food items na gagamitin sa relief operations.
Kabilang sa mga inilatag na disaster relief capabilities ay ang search and rescue, katuwang ang mga uniformed services ng AFP, power and emergency communications, logistics, medical, camp management at peace and order.
Ipinalabas na rin ang mga guidelines para sa maritime safety for all watercrafts, mga kaukulang travel advisories, at isinagawa ang Emergency Operations Action Plan para sa pagmamatyag, media communications, at monitoring and evaluation ng mga kasapi ng PDRRMC.
Nagbigay ng weather update ang PAG-ASA at Mines and Geosciences Bureau sa posibleng mga epekto ng TS Crising sa iba’t-ibang low-lying and landslide-prone areas sa buong lalawigan. Inabisuahn din dito ang mga lokalidad na maging alerto at magbantay ng mga weather bulletins sa susunod pang dalawang araw./ Edwin V Zabarte/ Photos By Batangas PIO/Francis Milla, Karl Ambida