

Hindi maitago ang galak ng mga visually-impaired na mga Batangueño, matapos nilang matunghayan ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na mayroong audio description (AD) noong ika-18 ng Hulyo 2025 sa isang kilalang mall sa Lungsod ng Lipa.
Sa pamamagitan ng AD, maliwanag na naiparating ng pelikulang Firefly, na isang produksyon ng GMA Public Affairs at GMA Pictures, ang kuwento ni Tonton at ang kanyang paglalakbay patungo sa isla ng mga alitaptap.
Ayon sa mga manonood, nabuhay ang kanilang imahinasyon at madali nilang naintindihan ang bawat eksena, na mahusay na nailarawan ang mga galaw, kasuotan at ekspresyon ng mga aktor, lugar nang pinangyarihan at maging ang pagpapalit ng mga tagpo.
Ang programang ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Project ADAM o Audio Description Awareness Movement. Ito ay isang pagkilos na naglalayong magkaroon ng audio description ang mga palabas sa sinehan, na magiging daan upang lubos na mapakinabangan ng mga visually-impaired na indibiduwal ang ganitong uri ng sining.
Lubos naman itong sinuportahan ng Pamahalaang Panlungsod ng Lipa at personal na dinaluhan ni 6th District Congressman Ryan Recto, na nagpahayag ng kanyang pagsuporta sa mga panukalang batas na naglalayong gawing mas pantay at inklusibo ang ating lipunan para sa lahat.
“Darating ang panahon, maaalis ang limitasyon, mapapalitan ng oportunidad. At ang salitang awa ay mapapalitan ng paggalang at pagkilala,” dagdag pa ng kongresista.
Ipinaabot naman ni Ginoong Ronnel Del Rio, Convenor ng Project ADAM, ang kanyang pasasalamat kay Batangas Governor Vilma Santos-Recto dahil sa kanyang patuloy at walang humpay na pag-alalay sa mga kababayang may kapansanan. Gian Marco Escamillas – Batangas Capitol PIO