Task Force Matatag na Pagbabantay, Tampok sa PNP Command Conference sa Kapitolyo

Batangas City- Isang Command Conference sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Philippine National Police (PNP) – Batangas Police Provincial Office ang ginanap noong ika- 14 ng Hulyo 2025 sa Bulwagang Batangan, Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.

Ito ang unang pagharap ng pamunuan ng Batangas PNP kay Governor Vilma Santos-Recto para sa isang security and command meeting upang ilahad ng bawat panig ang kanilang programa na sisiguro sa seguridad, kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.

Ang mga opisyal ng Batangas PNP ay pinangunahan nina PNP CALABARZON Region 4-A Regional Director Police BGEN Jack L. Wanky at Batangas Provincial PNP Chief Police Col. Geovanny Emerick A. Sibalo, kasama ang mga hepe ng kapulisan na nakatalaga sa mga local government units, at mga special unit commanders ng Batangas PNP command.

Sa kanyang mensahe, pinasasalamatan ni Governor Santos- Recto ang lahat ng mga opisyal at personnel ng BPPO sa matatag nitong pagpapaganap ng kanilang tungkulin na gawin at panatilihing ligtas ang mga komunidad at protektahan ang sambayanang Batangueño.

Bilang bahagi ng reclibrated service and leadership at isa sa mga mahahalagang mandato ng administrasyong Santos-Recto, sa ilalim ng Executive Order No. 04-2025 o Task Force Matatag na Pagbabantay, naglalayon itong mapababa, kung hindi man mawakasan, ang krimen sa lalawigan sa pamamagitan ng iba’t-ibang epektibong stratehiya na kinabibilangan ng pinalakas na police presence, law enforcement, intelligence gathering at community partnerships.

Kabilang sa security plan ang pagpapalakas ng police mobility, kung saan mapapabilis ng Batangas PNP ang kanilang mandato na tumugon sa mga pangangailangan ng publiko at kumunidad sa larangan ng public safety and security. Malaki umano ang gampanin ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa lalawigan kaya’t tinitiyak ng kanyang administrasyon na hindi lamang ang force mobility and presence ang palalakasin, kung hindi ang kanilang iba pang assets and capabilities.

Sa ngalan naman ng Batangas PNP, ipinaabot ni Sibalo ang pasasalamat sa buong pamunuan ng pamahalang panlalawigan at tiniyak nito na ang kanilang hanay ay tapat at buong husay na tutugon sa tungkulin upang upang tumugon sa mandato na protektahan ang bawat komunidad laban sa anong mang uri ng kriminalidad.

Nakasama ng Batangas governor sa pagtitipon sina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, at Provincial Public Order and Safety Department head, Ret. General Arcadio Ronquillo, Jr.

Edwin V. Zabarte / Photos by Mac Venn Ocampo – Batangas PIO