Gov. Santos-Recto sa mga graduates: Tulungan muna ang pangangailangan ng mga kababayan


23 na mga iskolar, sa ilalim ng “Doctor Para sa Bayan Act,” ang pormal na nagtapos ng kursong Doctor of Medicine sa ginanap na 57th Commencement Exercises ng Batangas State University – The National Engineering University (BatStateU – TNEU) noong ika-21 ng Hulyo 2025 sa Lungsod ng Batangas.
Ang mga naturang iskolar ay kabilang sa first batch ng Medical Doctor graduates para sa nasabing paaralan, na kaugnay at bunga ng matagumpay na implementasyon ng Republic Act 11509 o mas kilala bilang “Doctor Para sa Bayan Act.”
Nakapaloob sa batas ang pagtatatag ng isang Medical Scholarship and Return Service Program o MSRS para sa mga karapat-dapat na mga mag-aaral sa mga State Universities and Colleges (SUCs) o sa mga katuwang na Private Higher Education Institutions (PHEIs) sa mga rehiyon kung saan walang SUCs na nag-aalok ng kursong medisina.
Layunin din ng batas na mas maparami ang bilang ng mga doktor sa bansa sa tulong ng pagbibigay ng libreng edukasyon o free tuition, aklat, at iba pang allowances o panggastos.
Sa pamamagitan nito, inaasahang madadagdagan ang bilang ng mga doktor sa bansa, na inaasahang maghahatid ng serbisyo para sa mga kababayan, lalo’t higit sa mga malalayong lugar. Tutugon din ito sa pag-abot ng Pilipinas sa itinakda ng World Health Organization na ideal ratio ng doctor kada populasyon.
Kaugnay nito, labis na ikinatuwa ni Governor Vilma Santos-Recto ang pagtatapos ng 23 pioneer scholars sa tulong ng nabanggit na batas, na isa siya sa mga principal authors at nagsulong sa panukala noong siya ay naging kinatawan ng Ika-Anim na Distrito ng Batangas at Deputy Speaker sa Kongreso.
“Ang batas pong ito ay pamamaraan lamang po para mapunuan ang kakulangan ng mga doktor sa malalayong lugar…Kapag sila ay ganap na doktor na, kakailanganin naman nilang magsilbi sa mga pangangailangang medikal ng ating mga kababayan,” saad ng gobernadora.
Binigyang-diin din ng punong lalawigan ang pagtutulungan o partnership sa pagpapaabot ng medical and healthcare services sa mga higit na nangangailangan. Ayon sa kaniya, “marami tayong mga bayan na nangangailangan ng mga doktor, kailangan nila ang tulong ninyo. Para naman meron silang malalapitan sa oras ng pangangailangan sa kanilang pangkalusugang problema. Sa ating mga newly graduates…aasa po kami sa inyo.”
Sa ginanap na graduation rites, ipinunto rin ng asawa ni Gov. Vilma na si Department of Finance Secretary Ralph Recto ang kaniyang ginawang mga hakbang upang maisulong at maipaglaban ang batas noong siya ay nasa Senado bilang Senate President Pro Tempore.
Ayon naman kay BatStateU – TNEU President, Dr. Tirso Ronquillo, malaking bagay ang mayroong Batangueño sa Senado, kung saan ibinahagi niya na gumugulong pa lamang ang batas, ay pinayuhan at tinulungan na sila ni Sec. Recto na bumuo at bumalangkas ng feasibility study para sa pagtatatag ng College of Medicine sa unibersidad.
Samantala, sa naging panayam sa isa sa mga iskolar ng batas, inilahad ni Justine Natividad na malaki ang naging tulong ng “Doktor Para sa Bayan Act” upang matupad ang kaniyang pangarap na maging isang doktor.
“Kagaya ko na walang pinansyal [na kapasidad], sobrang laking tulong po niya sa mga gustong maging doktor sa future…gustong makapaglingkod sa bayan. Sa scholarship na ito wala kaming binayarang tuition simula 1st year…meron din kaming allowance na yearly…so malaking tulong siya sa pang-araw-araw naming gastos, pangbili sa mga additional na pangangailangan,” ani ni Natividad.
Pinasalamatan din niya si Gov. Santos-Recto at Sec. Recto para sa oportunidad na makapag-aral ng libre ng kursong Medisina at magkaroon ng pagkakataon na makapaglingkod sa bayan.
Ang mga ganitong programa ay suportado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na patunay at sumasalamin sa dalawang Executive Orders na inilabas ni Gov. Santos-Recto sa kaniyang muling pagbabalik bilang isang lingkod bayan, ito ay ang magkaroon ng matatag na programang pang-edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Mark Jonathan Macaraig / Photos: Francis Milla – Batangas Capitol PIO